Valenzuela City — Arestado ng Valenzuela Pulis ang tatlo sa anim na holdaper makalipas lamang ang ilang oras matapos manloob sa isang vape shop sa Del Rosario St., Barangay Marulas, Valenzuela City, nito lamang Martes, Disyembre 5, 2023.
Kinilala ni Police Colonel Salvador Destura Jr, Chief of Police ng Valenzuela City Police Station, ang mga suspek na sina Hermoso, 37, residente ng Cupang, Antipolo City, Rizal; Gascon, 38, residente ng 18th Avenue, East Rembo, Makati City; at Fresto, 32, residente ng Villa Silva Palatiw, Pasig City.
Samantalang kinilala naman ang mga biktima na sina Prince, 26, may ari ng shop, at nobya nitong si Czarhena, 25.
Ayon sa ulat ng pulisya, bandang 1:50 ng madaling araw nang pumasok ang isa sa mga suspek sa loob ng shop at nagpanggap na kostumer. Nagulat na lamang ang dalawang biktima ng bigla silang tutukan ng baril at sumunod na nagpasukan ang ibang suspek sa loob ng tindahan.
Ayon kay Prince, nakuha ng mga suspek ang kanyang bag na may lamang Php100,000 cash at bag ni Czarhena na may lamang Php30,000 cash. Kinuha din ang Php8,000 piraso ng mga disposable vape na nagkakahalaga ng Php2 million, Apple iPhone 12 na nagkakahalaga ng Php35,000, Samsung S21 na nagkakahalaga ng Php25,000, at Seiko Panda watch na may halagang Php250,000.
Matapos malimas ang mga gamit at pera ay sumakay sa isang puting Toyota Fortuner ang mga suspek at tumungo sa Tamaraw Hills papuntang McArthur Highway sa Barangay Marulas.
Kaagad bumuo ng ‘Station Focus Investigation Team’ si Col Destura Jr para sa pagtugis sa mga suspek.
Sa pagbeberipika ng pulisya sa Land Transportation Office (LTO), napag-alaman na ang sasakyang ginamit ng mga suspek ay pag-aari ng isang nagngangalang Vincent, residente sa Novaliches, Quezon City.
Napag-alaman din na ang sasakyan ay inupahan lamang ng nabanggit na suspek na si Hermoso at isang nagngangalang Llamas noong Lunes, Disyembre 4. Ayon kay Vincent ay nakatakda sanang isauli ang kanyang sasakyan noong Disyembre 5.
Sa pamamagitan ng Global Positioning System (GPS) tracker ng nirentahang sasakyan ng mga suspek, ay natagpuan ito ng pulisya kasama si Prince, bandang alas-3:30 ng hapon sa Harvard St., Cubao, Quezon City. Minamaneho ito ni Hermoso kasama ang isa pang suspek na si Gascon, na positibong kinilala ng biktima ang dalawang suspek at dito na sila inaresto.
Nahuli din ng pulisya ang isa pang suspek na si Fresto matapos itong ituro ng dalawang kasamahan nito.
Nabawi mula kay Fresto ang mga produkto ng vape na nagkakahalaga ng Php304,800.
Napag-alaman din na si Hermoso ay isa sa tatlong nahuli na nanloob din sa isa pang vape shop sa Sta. Ana, Manila, apat na buwan na ang nakalilipas. Tinangay naman ng mga suspek ang mga produkto ng vape na nagkakahalaga ng Php1.8 million.
Kasalukuyan namang pinaghahanap ang iba pang suspek habang nahaharap naman sa kasong robbery with violence and intimidation ang mga nadakip na suspek.
Sinisigurado ng Valenzuela PNP na patuloy na magsasagawa ng mga operasyon upang matunton ang mga nakatakas na kawatan upang pagbayaran ang kanilang mga pagkakasala sa ating batas at hindi na makapang biktima pa ng mga inosenteng indibidwal.
Source: Valenzuela City Police Station