South Cotabato – Tatlong drug suspects ang nasakote ng South Cotabato PNP sa kabi-kabilaang anti-illegal drug operations sa probinsiya ng South Cotabato nito lamang ika-10 ng Pebrero 2023.
Ayon kay PBGen Jimili L Macaraeg, Regional Director ng PRO 12, isang Street Level Individual (SLI) ang timbog sa buy-bust operation ng South Cotabato PNP na narekober mula sa kanya ang 5 piraso na plastic sachet na naglalalaman ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na Php7,000.
At bilang resulta sa inihain na Search Warrant ng mga awtoridad, 4.49 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na Php35,000 naman ang narekober sa mismong pamamahay ng isang 26-anyos na lalaki sa Barangay Ambalgan, Sto. Nino, South Cotabato.
Hindi rin nakaligtas ang isang 32-anyos na pintor sa isinagawang buy-bust operation sa Bayan ng Tampakan, South Cotabato, at narekober sa naturang operasyon ang 0.38 gramo ng hinihinalang shabu na may tinatayang halaga na Php2,040.
Mahaharap ang lahat ng suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 o RA 9165.
Tinitiyak naman ni PBGen Macaraeg na hindi titigil ang kapulisan ng SOCCSKSARGEN sa pagsugpo ng anumang uri ng kriminalidad lalong-lalo na sa ilegal na droga tungo sa pagkamit ng payapa at maunlad na komunidad.
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay A Medelin