Talibon, Bohol – Matagumpay na nagsipagtapos ang tatlong drug reformist ng Community Based Rehabilitation Program Without Walls (CBRP-WOW) sa Barangay Rizal, Talibon, Bohol nito lamang Biyernes, ika-12 ng Agosto 2022.
Ayon kay Police Lieutenant Nicolas Años Aparilla, Officer-In-Charge ng Talibon Police Station, ang naturang programa ay inisyatibo ng Provincial Government ng Bohol sa tulong ng Center of Drug Education and Counseling (CEDEC) maging sa tulong at pakikipag-ugnayan ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno gaya ng DOH, PNP, DILG at Municipality of Talibon sa ilalim ng pamumuno ni Hon. Janette Aurestila-Garcia upang matulungan ang mga naging biktima ng ipinagbabawal na droga na magbagong buhay at alinsunod sa mga layunin ng Executive Order Number 70 (NTF-ELCAC).
Ang naturang aktibidad ay naging matagumpay sa pakikipagtulungan ng Talibon Police Station sa pangunguna ni Police Executive Master Sergeant Jose A Bongator, Deputy OIC, Talibon PS, katuwang si Ms. Gaica Lao, CBRP-WOW coordinator at personal na isinagawa ang random drug test sa mga nagsipagtapos upang kumpirmahin na ang tatlong PWUDs (Persons Who Use Drugs) ay negatibo na sa paggamit ng ilegal na droga.
Ang programa ay isinagawa upang pormal na kumpirmahin na ang mga nagtapos ng CBRP-WOW ay nakamit na ang mga pangunahing kondisyon para sa unang yugto ng programa. Samantala, binati naman ni Ms. Maura M Justol, Municipal Mayor, Municipal Local Government Operation Officer (MLGOO) at Mr. Jett E Boyles, Municipal Administrator ang mga ito at pormal ng tinanggap sa After-Care Program na pangalawa at huling yugto ng naturang programa.
Ang Municipal Social Welfare and Development (MSWDO) na pinangangasiwaan ni Ms. Elen Arquita Magallanes, katuwang ang iba pang mga stakeholder kabilang ang TESDA at LGU ay ang siyang magiging pangunahing tagapamahala sa After-Care Program na naglalayong linangin pa ang kanilang kasanayan sa pangkabuhayan at maging isang aktibong miyembro ng lipunan sa hinaharap.
Sa pagtatapos ng programa, isang sertipiko ang iginawad sa mga PWUDs na boluntaryong dumalo at aktibong lumahok sa CBRP-WOW alinsunod sa Republic Act No. 9165 o The Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Layunin ng programang ito na gabayan ang mga PWUDs sa kanilang recovery process batay sa capability-building works ng DOH, PNP, Provincial at Local Government Unit.
Ang buong himpilan ng PNP ay kaisa ng komunidad sa paghahanap ng mga solusyon at alternatibo upang matulungan ang lahat ng ating mga kababayang nais magbagong buhay at magsimulang muli.
###
Panulat ni Patrolman Aivan Guisadio