Lanao del Sur – Arestado ang tatlong drug personalities sa isinagawang buy-bust operation ng PDEA, PNP at AFP sa Purok 6, Brgy. East Kilikili, Wao, Lanao del Sur nito lamang ika-2 ng Agosto 2023.
Kinilala ni Police Brigadier General Allan Nobleza, Regional Director ng PRO BAR, ang mga naaresto na sina alyas “Samanodin”, “Jamil”, at “Norma”, pawang mga nasa hustong gulang at mga residente sa naturang lugar.
Ayon kay PBGen Nobleza, nang maramdaman ng mga armadong suspek na nakikipagtransaksyon sila sa isang poseur buyer ay agad nilang pinaputukan ang mga operatiba na nagresulta sa maikling palitan ng putok ng baril at pagkasugat ni “Samanodin” na agad namang dinala sa Wao District Hospital para sa agarang atensyong medikal.
Nakumpiska sa operasyon ang 17 piraso ng heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang Shabu na may tinatayang bigat na 15 gramo na nagkakahalaga ng Php102,000; isang yunit ng magnum 357 revolver at 6 na bala; cash na nagkakahalaga ng Php3,650; isang yunit ng Android phone; iba’t ibang mga identification card; at mga drug paraphernalia.
Naging matagumpay ang aktibidad dahil sa pinagsanib pwersa ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency Lanao del Sur, PDEA Maguindanao, PDEA Basilan, PDEA Regional Special Enforcement Team, PDEA Regional Intelligence Operative Team, Provincial Drug Enforcement Unit at Provincial Special Operations Group ng Lanao del Sur PPO, 3RD Platoon, 1st Provincial Mobile Force Company LDS PPO, 63rd Division Reconnaissance Company, 6th Infantry Division, PA, 5th Infantry Battalion, 1st Infantry Division, PA, at Wao Municipal Police Station.
Dinala ang mga naarestong suspek sa PDEA BARMM kasabay ng mga nakumpiskang ebidensya para sa tamang disposisyon at nahaharap ang mga ito sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o “Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002″.
Samantala, pinuri naman ni PBGen Nobleza, ang pagsisikap at dedikasyon na ipinakita ng mga operatiba at muling iginiit na ang PRO BAR ay patuloy na magsasagawa ng operasyon kontra ilegal na droga upang panatilihing malaya ang komunidad mula sa salot ng banta ng droga.
Panulat ni Patrolman Charlie Nasroden Corpuz