Timbog sa isinagawang buy-bust operation ng mga tauhan ng Southern Police District ang ilegal na aktibidad ng tatlong Chinese Nationals at isang Filipino na nagresulta sa pagkakasamsam ng malaking halaga ng ilegal na droga sa Access Road, Barangay Don Galo, Parañaque City nito lamang Huwebes, Nobyembre 28, 2024.
Kinilala ni Police Brigadier General Bernard R Yang, District Director ng SPD, ang mga naarestong suspek na sina alyas “Fan”, 46, (Paglabag sa Section 5 at 11 sa ilalim ng Artikulo II ng Republic Act 9165), alyas “Jiao”, 31 anyos, (Paglabag sa Seksyon 5 at 11 Art. II RA 9165) at mga kasabwat na si alyas “Qi”, 31 anyos (Paglabag sa seksyon 11 Art. II RA 9165) at alyas “Roy”, 30 anyos, Filipino, rider (Paglabag sa seksyon 11 Art II RA 9165).
Isinagawa ng mga operatiba ng Parañaque City SDEU ang operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek matapos magbenta ng mga ilegal na droga sa isang undercover agent at narekober ang isang knot-tied at isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na tumitimbang ng higit o mas mababa sa 62 gramo na may Standard Drug Price na Php421,600, walong heat-sealed plastic foil packs na may label na may mga banyagang character na naglalaman ng pulbos ng hinihinalang happy water/drug cocktail na nagkakahalaga ng Php20,000, Php5,000 bill at Php95,000 halaga ng boodle money na pawang ginamit bilang buy-bust money, tatlong cellular phone, sling bag, passport at dalawang identification card.
Pinuri ni PBGen Yang ang Parañaque CPS, at nangakong ipagpatuloy ang pagpapaigting ng mga pagsisikap na labanan ang mga krimen na may kaugnayan sa droga, na tinitiyak na ang mga indibidwal, anuman ang nasyonalidad, ay mananagot sa ilalim ng batas.
Source: SPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos