Timbog ang tatlong indibidwal matapos mahuli sa aktong nagpa-pot session ng mga awtoridad sa Sitio Lamak, Brgy. Poblacion Pikit, Cotabato nito lamang Setyembre 23, 2023.
Kinilala ang mga naarestong suspek na sina alyas “Bulaw”, “Zailo”, at alyas “Jalal”.
Ayon kay Police Major Arvin John Cambang, Hepe ng Pikit Municipal Police Station, nakatanggap ng impormasyon ang kanilang istasyon mula sa isang concerned citizen na mayroong mga kalalakihan na kasalukuyang nagpa-pot session sa nasabing lugar at agad naman nagtungo ang kanyang mga tauhan upang kumpirmahin ang nasabing ulat.
Narekober mula sa mga suspek ang tatlong improvised lighter, dalawang rolyadong foil, isang scissor clip, tatlong cellular phone, Php700 cash, at tatlong pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na higit 3 gramo na nagkakahalaga ng Php20,400.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, patuloy na paiigtingin ng Pikit PNP ang kampanya laban sa ilegal na droga katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno upang mapanatili ang maayos at ligtas na komunidad.
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay A Medelin