Nakatanggap ng regalong sapatos at tsinelas ang mga Indigenous students ng Nansiakan National High School mula sa kawang-gawa ng Anti-Cyber Crime Division sa pangunguna ni PLtCol Rovelita Aglipay, Asst. Chief bilang panata nya sa selebrasyon ng kanyang kaarawan noong Oktubre 23 na ginanap sa nabanggit na eskwelahan sa Brgy. Nansiakan, Kayapa, Nueva Vizcaya noong ika-30 ng Oktubre 2022.
Ayon kay PLtCol Aglipay, sampung taon na niyang ginagawa ito dahil ito ang nagpapakumpleto ng kanyang pasasalamat sa Panginoon.
Katuwang ang kanilang OIC ng NVPPO na si PCol Dante Lubos sa pamimigay ng mga sapatos at tsinelas sa 272 mag-aaral na kabilang sa tribong Iwak, Kalanguya at Ibaloy.
Nagpamigay din ng mga hygiene kit ang mga Non-Uniformed Personnel.
Masayang isinuot ng mga estudyante ang mga sapatos at tsinelas ayon sa sukat ng paa na kinuha bago ang pagdalaw.
Ayon sa isang estudyante, walang pamalit sa lumang sapatos sapagkat nauubos ang pera nila sa pamasahe patungo sa bayan dahil malayo ang kanilang tirahan sa bayan.
Ayon pa sa kanilang guro, nais talaga niyang maranasan lahat ng kanyang estudyante sa senior high school na makapagsuot ng sapatos bago tumuntong sa kolehiyo upang hindi manibago kung lalabas sila sa kanilang komunidad.
Lubos ang kanilang galak at nagsagawa sila ng katutubong ritwal ng pasasalamat.
Layunin ni PLtCol Aglipay na mabigyang galak ang bawat puso ng mga mag-aaral na ito at makatulong sa ganitong paraan bilang isa sa mga paraan ng paglilingkod sa ating Panginoong Diyos.
Source: DWRV1233.Official
Panulat ni PSSg Jerlyn V Animos