Umabot na sa 2,612 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa hanay ng Pambansang Pulisya noong Setyembre 16, 2021.
Ayon sa PNP Health Service, nasa 254 ang bagong gumaling habang 184 naman ang mga bagong kaso.
Sa kabuuan, umabot na sa 37,734 ang bilang ng tinamaan ng COVID-19 sa PNP kung saan 35,010 ang nakarekober at 112 naman ang nasawi matapos makapagtala ng dalawang (2) pang fatalities sa National Capital Region at CALABARZON.
Si Patient No. 111 na naka-assign sa Metro Manila ay nagpositibo noong Agosto 29 at dinala sa ospital. Nagkaroon siya ng sintomas at noong Setyembre 14, idineklarang pumanaw na ito. Base sa kanyang doktor, si Patient No. 111 ay may hypertension at fully vaccinated na noong Agosto 20.
Si Patient No. 112 naman na naka-assign sa Calabarzon ay nagpositibo noong Setyembre 1 at na-admit sa Kiangan Quarantine Facility.
Noong Setyembre 2, dinala siya sa ospital dahil sa lumalala nitong kondisyon. Pumanaw siya noong Setyembre 12 dahil sa Acute Respiratory Failure at Pneumonia. Base sa kanyang medical records, nakatanggap na siya ng first dose ng COVID-19 vaccine.
Nasa 128,075 o 57.51% na ang fully vaccinated na pulis habang 83,416 o 37.45% ang nakatanggap na ng first dose ng bakuna at 11,220 o 5.04% ang natitirang pulis na hindi pa nabakuhan.