Camp BGen Rafael T. Crame – Isinagawa ang opisyal na paglulunsad ng Police Open Academy (POA) kasabay ng pirmahan ng Memorandum of Understanding sa pagitan ng Philippine National Police at University of the Philippines, at pagkilala sa mga miyembro ng PNP na napabilang sa 2022 Metrobank Foundation Outstanding Filipinos kasabay sa isinagawang Monday Flag Raising Ceremony ngayong araw, ika-12 ng Setyembre 2022, sa PNP National Headquarters, Camp Crame, Quezon City.
Opisyal nang inilunsad sa pangunguna ng Directorate for Human Resource and Doctrine Development (DHRDD) sa pamumuno ng Acting irector (AD) nito na si Police Brigadier General Jon A. Arnaldo ang Police Open Academy (POA) na isang web-based application na
naglalayong magsilbing online learning management platform ng PNP para sa lahat ng miyembro ng Pambansang Pulisya sa buong bansa para sa kanilang mandatory o specialized schoolings.
Katuwang din ng Philippine National Police ang University of the Philippines sa pagkamit ng isang matatag ng pundasyon sa developmental learning ng bawat miyembro ng pulisya tungo sa propesyonal na kagalingan at kakayahan, kung saan nagkaroon ng pirmahan ng Memorandum of Understanding sa pagitan ng dalawang institusyon na kinatawan nina PNP Chief Police General Rodolfo S. Azurin Jr., at AD ng DHRDD; at Atty. Danilo L. Concepcion, UP President, at Dr. Melinda DP. Bandalaria, Chancellor ng University of the Philippine Open University (UPOU) na kinatawan naman ni Dr. Joane V. Serrano, Public Affairs Director ng UPOU.
Samantala, binigyan din ng pagkilala ang tatlong miyembro ng Pambansang Pulisya na napabilang sa prestihiyosong Metrobank Foundation Outstanding Filipinos ngayong taon sa sina Police Colonel (PCol) Lambert A. Suerte ng Police Regional Office (PRO) 1, Police Captain (PCpt) Rosalino E. Panlaqui ng PRO 4A, at Police Executive Master Sergeant (PEMS) Rogelio A. Rodrigues Jr. ng Criminal Investigation and Detection Group.
Pinuri rin ni C, PNP ang mga Metrobank Foundation Awardees at hinimok ang bawat miyembro ng organisasyon na magsilbing inspirasyon at motibasyon ang pinakitang tagumpay ng mga naturang kapulisan upang makapaghatid ng maaasahang serbisyo sa pamayanan nang masigasig, determinado at mapagmatyag sa pagganap sa sinumpaang tungkulin laban sa kriminalidad, ilegal na droga, insurhensiya, terorismo at kurapsyon sa lipunan.