Muntinlupa City — Nasabat ang 20 kilos na shabu sa isang nadiskubreng clandestine laboratory na pinamamahalaan ng mga dayuhan sa isinagawang Search Warrant ng mga otoridad nito lamang Huwebes, Nobyembre 17, 2022.
Kinilala ni PBGen Kirby John Kraft, District Director ng SPD ang mga naarestong suspek na isang Oreo/Pretty Boy (subject ng search warrant), nasa legal na edad, lalaki, Canadian National; Syter Orilin, nasa legal na edad, lalaki, French National: at alyas “Mark Anthony”, Filipino.
Ayon kay PBGen Kraft, bandang 11:45 ng gabi naaresto ang mga suspek sa No. 304 Mabolo St, Ayala-Alabang, Village, Brgy. Ayala Alabang, Muntinlupa City sa pinagsanib pwersa ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency, Bureau of Customs, at Muntinlupa City Police Station.
Nakumpiska ang puting crystalline substance na hinihinalang shabu na inilagay sa mga plastic tray na may bigat na humigit-kumulang 20 kilos na may Standard Drug Price na Php136,000,000, ilang hindi pa nakikilalang mga de-boteng kemikal na pinaniniwalaang ginagamit sa paggawa ng shabu, at iba pang mga clandestine paraphernalia.
Naaresto ang mga suspek sa bisa ng Search Warrant No. 22-006 na inisyu ng Executive Judge Myra B Quiambao, RTC Muntinlupa.
“Ang maayos na koordinasyon sa pagitan ng mga law enforcement agencies ay susi upang matupad ng bawat isa ang kanilang mga tungkulin at magkaroon ng magandang resulta ang mga operasyon gaya nito,” ani PBGen Kraft.
Source: SPD PIO
Panulat ni PSSg Remelin M Gargantos