General Santos City – Nasamsam ang tinatayang Php136,000 halaga ng hinihinalang shabu sa ikinasang buy-bust operation ng mga awtoridad na nagresulta sa pagkakadakip ng dalawang tulak ng droga sa Carcon Compound, Brgy. Katangawan, General Santos City nito lamang Nobyembre 16, 2023.
Kinilala ni Police Brigadier General Jimili Macaraeg, Regional Director ng Police Regional Office 12, ang dalawang naarestong supek na sina alyas “Tata”, High Value Target, at alyas “Magie” pawang mga residente ng Brgy. Visayan Village, Tagum City.
Bandang 12:00 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng PDEA 11 at PDEA 12-RSET kasama ang mga operatiba ng General Santos City Police Office nang makipagtransaksyon ang nagpanggap na poseur buyer sa dalawang suspek at agad inaresto ng mga awtoridad.
Nakumpiska mula sa dalawang suspek ang apat na heat sealed transparent plastic sachets kabilang ang (object of sale) na naglalaman ng humigi’t kumulang 20 gramo na may Standard Drug Price na Php136,000, buy-bust money, isang Php1,000 bill at iba pang non-drug item.
Nahaharap ang dalawang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Patuloy ang pagtutulungan ng PNP at PDEA sa pagpapaigting sa kampanya kontra ilegal na droga at sa pagsasagawa ng mga aktibidad upang suportahan ang BIDA program ng DILG upang mabawasan o tuluyan nang wakasan ang suliranin sa ilegal na droga.
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay A Medelin