Cebu City – Kalaboso ang dalawang drug suspek kabilang na ang isang menor de edad matapos makumpiskahan ng milyong halaga ng shabu sa ikinasang buy-bust operation ng mga operatiba ng Police Station 9 ng Cebu City Police Office sa Englis V. Rama St., Brgy. Guadalupe, Cebu City noong Biyernes, Marso 10, 2023.
Kinilala ni Police Major Armando Labora, Station Commander ng Police Station 9, ang mga naaresto na sina “Bamboo” ng Sitio Lawis, Brgy Mambaling at “Raymond” ng Sitio Ibaan, Brgy. Banilad ng naturang lungsod.
Ayon kay Police Major Labora, dakong ala-1:40 ng hapon ng dakpin ng mga operatiba ang mga suspek sa pangunguna ni Police Captain Rexel Yosore.
Kasabay ng pag-aresto sa mga ito ay ang pagkakakumpiska ng nasa 200 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php1,360,000.
Kasong paglabag sa Sec. 5 at 11, Art. II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang isasampa laban sa mga suspek.
Bahagi ang matagumpay na operasyon sa patuloy na pagpapaigting at pagpapahusay ng Cebu City PNP sa kampanya nito kontra ilegal na droga maging sa lahat ng uri ng kriminalidad para sa kaayusan at kaligtasan ng mamamayan.