Bago City, Negros Occidental – Patay ang dalawang binata samantala nakaligtas naman ang tatlo sa mga magkakaibigan matapos malunod sa dagat na kanilang pinapaliguan sa Purok Mahidaiton (Can-itom), Brgy. Sampinit, Bago City, Negros Occidental, nito lamang umaga ng Linggo, Mayo 22, 2022.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Joem Malong, Chief of Police ng Bago City Police Station, ang biktima na sina Jemuel Altar Padilla at Lean Dela Cruz, parehong mga 14 anyos at residente ng Prk. Tongoy, Brgy. Sampinit ng nasabing lungsod.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Malong, naliligo lamang ang mga biktima kasama ang kanilang tatlo pang mga kaibigan na sina Jeboy Fernandez Vergara, 15; Elmer John Vergara Alvarado, 10; at Judy Mar Paderes Demere, 14, sa dagat ng nasabing lugar nang bigla na lang tinangay ng mga malalaking alon dulot ng high tide.
Nakaligtas ang tatlo nilang kasamahan ngunit tuluyang nalunod sina Jemuel at Lean na agad namang narescue ngunit sa kasamaang palad ay hindi na nakaabot sa ospital at binawian na ng buhay.
Samantala, patuloy namang pinag-iingat ng kapulisan ang mga residente lalo na ang mga kabataan sa nasabing lugar sakaling maliligo sa baybayin, dapat may kasamang mga nakakatanda upang maiwasan ang parehong insidente.
###