Puerto Princesa City – Dalawang miyembro ng New People’s Army, ang armed wing ng Communist Party of the Philippines, ang boluntaryong sumuko sa kapulisan ng Puerto Princesa City Police Office sa Sitio Inonokan, Brgy. Concepcion Puerto, Princesa City noong Oktubre 18, 2022.
Kinilala ni Police Colonel Roberto Bucad, City Director ng PPCPO, ang mga sumuko na si alyas “Ka Tes” at “Ka Raffy”. Taong 1997 ng sila ay naging kasapi ng Communist Terrorist Group at taong 2000 naman ng sila ay naging full time member ng New People’s Army.
Ayon kay PCol Bucad, boluntaryong sumuko ang mga ito dahil sa pagsisikap ng intelligence units ng Puerto Princesa City Police Office, katuwang ang City Intelligence Unit at Police Station 1 sa ilalim ng PPCPO, CECU-Puerto Princesa City, Regional Intelligence Unit 4B sa ilalim ng PNP-Intelligence Group, Palawan PPO 2nd Provincial Mobile Force Company at Puerto Princesa City Anti-Crime Task Force sa pakikipagtulungan ng Kapatiran ng Dating Rebelde (KADRE).
Ayon pa kay PCol Bucad, nasa kustodiya na ngayon ng Puerto Princesa City Police Office ang nasabing mga dating rebelde para sa debriefing bago ma-enrol sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng gobyerno.
Dagdag naman ni Police Brigadier General Sidney Hernia, Regional Director ng Police Regional Office MIMAROPA, ito ay produkto ng pangako sa pamamagitan ng NTF-ELCAC (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict) sa pag-secure ng ating rehiyon laban sa banta ng komunistang terorismo.
“Tinitiyak ng gobyerno na tutulungan sila sa pag-avail ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program, na tutulong sa kanila na magkaroon ng mas magandang simula sa kani-kanilang pamilya,” ani pa ni PBGen Hernia.
Source: Police Regional Office Mimaropa
Panulat ni Patrolman Erwin Calaus