Nauwi sa engkwentro ang isang anti-drug operation na isinagawa ng Bulacan PNP laban sa dalawang hinihinalang miyembro ng sindikato ng droga na naganap sa Barangay Pandayan, Meycauayan City, Bulacan nito lamang madaling araw ng Linggo, Nobyembre 17, 2024.
Ang naturang operasyon ay pinangunahan ng mga tauhan ng Special Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Meycauayan City Police Station sa ilalim ng pamumuno ni Police Lieutenant Colonel Andres D Calaowa Jr, Acting Chief of Police ng naturang istasyon.
Nakumpiska sa operasyon ang tinatayang 800 gramo ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price na Php5,440,000, kasama ang isang automatic 9mm rifle (Uzi) na may bala at magasin.
Ang mga suspek ay kinilalang sina alias “Dan” at alias “Analyn,” na napag-alamang aktibong miyembro ng lokal na sindikato.
Nagsagawa ng casing at surveillance operation ang mga operatiba nang biglang paputukan ng suspek na si “Dan” ang mga pulis.
Gumanti ng putok ang mga otoridad, at sa kabila ng tangkang pagtakas, nahuli ang dalawang suspek matapos ang isang habulan.
Kapwa nagtamo ng sugat mula sa putukan ang mga suspek, habang nasugatan naman sa kaliwang binti si Police Captain Jocel Calvario, Chief ng Intelligence at Drug Enforcement Unit.
Ang mga nasugatan ay agad isinugod sa pinakamalapit na ospital para sa agarang lunas.
Ang matagumpay na operasyon na ito ay patunay ng mas pinaigting ng PNP ang kampanya laban sa ilegal na droga, na layong sugpuin ang mga sindikato at gawing ligtas ang mga komunidad para sa bawat mamamayan.
Panulat ni Pat Jilly Peña