Sumuko ang dalawang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) mula sa Guerilla Front 72 at South Regional Command DAGUMA ng Far South Mindanao Region sa himpilan ng South Cotabato 2nd Provincial Mobile Force Company Headquarters, Sitio Sto Nino, Brgy Centrala, Surallah, South Cotabato nito lamang Biyernes, Enero 19, 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Rey Develos Egos, Force Commander ng South Cotabato 2nd PMFC, ang dalawang sumuko na sina alyas “Ka Jeric/RicRic”, 45, may asawa, residente ng Brgy. Ned, Lake Sebu, South Cotabato; at si alyas “Ka Jepol”, 20, binata, at residente naman ng Brgy. Hinalaan, Kalamansig, Sultan Kudarat.
Bilang patotoo ng kanilang pagbabalik-loob sa pamahalaan ay kanila ding isinuko ang kanilang mga armas na isang yunit ng Cal. 38 revolver at isang yunit ng granada.
Ayon kay PLtCol Egos, boluntaryong sumuko ang dalawa nang makumbinsi ito ng kanilang hanay katuwang ang iba pang intel operatives ng South Cotabato Police Provincial Office at Police Regional Office 12, na magbagong-buhay sa tulong ng maaaring matanggap sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP) ng pamahalaan.
“Nananawagan ako sa mga natitira pang miyembro na isuko ang inyong mga armas at magbalik-loob sa gobyerno para mamuhay ng payapa upang makasama ang inyong mga mahal sa buhay at maraming programa ng gobyerno ang naghihintay para sa inyo,” ani PLtCol Egos.
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay A Medelin