Tuluyan ng sumuko ang dalawang miyembro ng Communist Terrorist Group (CTG) sa mga tauhan ng South Cotabato 2nd Provincial Mobile Force Company sa Sitio Sto Nino, Barangay Centrala, Surallah, South Cotabato bandang 4:00 ng hapon noong Pebrero 20, 2024.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Rey Develos Egos, Force Commander ng South Cotabato 2nd PMFC, ang dalawang sumuko na sina alyas “Turing”, 20 at si alyas “Ruben”, 23, kapwa mga binata at residente ng Lake Sebu, South Cotabato at dating mga miyembro ng teroristang grupo mula sa Sub Regional Command MUSA ng Far South Mindanao Region.
Kasabay ng kanilang pagsuko ay ang pagturn-over din nila ng mga armas na isang yunit ng Uzi 9mm na may kasamang magasin at isang yunit na granada.
Agad namang nakatanggap ng tulong pinansyal at sako-sakong bigas ang mga sumuko mula kay PLtCol Egos at tiniyak pa nito na makakatanggap pa sila ng karagdagang tulong pangkabuhayan mula sa pamahalaan sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng gobyerno.
Kaya naman hinimok pa ni PLtCoL Egos ang mga natitirang miyembro ng CTG na sumuko at gamitin ang tulong na iniaalok ng gobyerno gaya ng benepisyaryo sa E-CLIP at iba pang programa ng kasalukuyang administrasyon upang matulungan silang mamuhay ng normal kasama ang kanilang mga mahal sa buhay.
Panulat ni Patrolwoman Flora Mae Asarez