Lamitan, Basilan – Boluntaryong sumuko ang dalawang miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa mga tauhan ng AFP at PNP sa Brgy. Campo Uno, Lamitan, Basilan nito lamang Linggo, Hunyo 19, 2022.
Kinilala ang mga sumuko na sina Jusrad A. Hudjata alyas “Mujahab Elong”, 37; at Aad Salih A. Pahalawan alyas “Ahmad Aliman Wakil”, 32, parehong residente ng Brgy. Ulitan, Ungkaya Pukan, Basilan na sinasabing parehong nasa ilalim umano ng ASG leader na si Furuji Indama.
Sumuko ang dalawa sa pagtutulungan ng mga tauhan ng Bangsamoro Task Force to End Local Armed Conflict (BTF-ELAC) under the Executive Order 70 o ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ang dalawang ASG member ay nagpasyang sumuko sa kagustuhang mamuhay ng normal.
Kasabay ng kanilang pagsuko ay isinuko rin nila ang dalawang yunit ng M1 Garand Rifle sa mga otoridad. Samantala, sila ay sasailalim sa custodial debriefing para sa karagdagang impormasyon.
###