Southern, Leyte – Dalawang dating pulis at dalawang magsasaka ang inaresto matapos magdala ng mga ilegal na baril sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa Hilongos, Leyte at Pintuyan, Southern Leyte noong Lunes, Mayo 9, 2022.
Kinilala ni Police Brigadier General Bernard Banac, Regional Director ng Police Regional Office 8, ang mga dating pulis na sina Julius Caesar Yadao, 50 at Slazenger Cadavis, 47, kapwa residente ng Tacloban City. Habang ang dalawang magsasaka ay kinilalang sina Alejandro Manongsong, 57 at Donald Felicilda, 49, kapwa mula sa bayan ng Pintuyan.
Ayon kay PBGen Banac, sa inilabas na impormasyon ng Police Regional Command, itinutok umano ng dalawang dating pulis ang kanilang baril sa isang barangay tanod sa Barangay Hampangan sa Hilongos.
Nakumpiska ng mga rumespondeng tauhan ng Provincial Special Operation Group ng Leyte Police Provincial Office, Provincial Intelligence Unit, at Hilongos Municipal Police Station sa mga suspek ang dalawang kalibre 45 na pistol na walang kaukulang dokumento.
Sa bayan ng Puntayan, inaresto ng mga operatiba ng Pintuyan Municipal Police Station at Second Southern Leyte Provincial Mobile Force Company ang dalawang magsasaka matapos umanong magdala ng revolver na may kargang anim na live ammunition, isang kalibre 45 na may dalawang magazine na may kargang pitong live ammunition, isang silencer at 25 live ammunition na walang kaukulang papeles.
Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 10591 kaugnay sa Omnibus Election Code.
Mensahe ni PBGen Banac, “Muli, hinihimok ko ang publiko na maging mapagmatyag sa inyong mga komunidad para sa pagkakaroon ng mga masasamang elemento na ito at ihatid ito sa mga awtoridad para mahuli ang mga naturang kriminal para sa agarang aksyon ng ating mga tauhan para sa ligtas at mapayapang pambansa at lokal na halalan 2022”.
###