Cotabato – Arestado ang dalawang lalaking sangkot sa panghohold-up sa isang 25-anyos na lalaki sa Kidapawan City, Cotabato nito lamang ika-5 ng Agosto 2023.
Kinilala ni Police Lieutenant Colonel Dominador Palgan Jr., Hepe ng Kidapawan City Municipal Police Station, ang dalawang suspek na sina alyas “Hakim” at si alyas “Randy”, parehong 18-anyos at kapwa residente ng bayan ng Makilala, Cotabato.
Ayon kay PLtCol Palgan Jr., bandang alas-12 ng hatinggabi ng hinold-up ng dalawang suspek ang kinilalang biktima na si “Reymart” na kung saan agad naman itong nakapagsumbong at nakahingi ng tulong sa mga nagpapatrolyang pulisya.
Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang otoridad kasama ang biktima. Pagdating sa National Highway sa harap ng Colegio de Kidapawan College, nakita ng biktima ang dalawang lalaki at personal na kinilala ang mga ito na responsable sa nasabing hold-up.
Kasabay ng pagkakaaresto sa dalawang suspek ay narekober sa kanila ang isang yunit ng Cal. 45 pistol na may kasamang magazine at apat na bala, isang kutsilyo, isang yunit ng motorsiklo at iba pang personal na kagamitan.
Nakapiit na ang dalawang suspek sa lock up cell ng Kidapawan CPS habang inihahanda na ang kasong isasampa laban sa kanila.
Binigyang pugay naman ni PLtCol Palgan Jr. ang katapangan at dedikasyon ng mga rumespondeng pulis ng Kidapawan CPS.
Ang ganitong pangyayari ang nagpapatunay na walang pinipiling oras ang mga kawatan kaya dapat maging alerto at mapagmatyag sa lahat ng oras upang mapanatili ang kaayusan at katahimikan ng komunidad.
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay A Medelin