Cotabato City (January 9, 2022) – Inaresto ng Police Regional Office Bangsamoro ang dalawang (2) indibidwal sa unang araw ng election period dahil sa paglabag sa COMELEC Gun Ban sa magkahiwalay na COMELEC checkpoint sa Cotabato City, Enero 9, 2022.
Kinilala ng Cotabato City Police Office (CCPO) ang mga lumabag sa Omnibus Election Code na sina Federico Rebollosa Bolongaita, 32 taong gulang, driver at residente ng B24 L2 Palmerston North Subdivision, Lambingan Tanza, Cavite at Romy Salipada alyas Ara, 42 taong gulang, may asawa, at residente ng Brgy. Dimasangka, Labangan, Zamboanga Del Sur.
Si Bolongaita, na sakay ng four wheeler cargo truck ay pinahinto habang dumadaan sa COMELEC Checkpoint na nakatalaga sa Poblacion 1, Cotabato City kung saan isang (1) yunit ng caliber .45 Norinco pistol ang nakita sa loob ng nasabing trak.
Kaagad na hinanapan ang suspek ng mga kaukulang dokumento na nagpapatunay na maaari siyang magdala ng nasabing baril sa labas ng kanyang tirahan. Gayunpaman, wala itong naipakitang Certificate of Authority (CA) na inisyu ng Committee on the Ban on Firearms and Security Concerns (CBFSC) na dahilan upang arestuhin siya ng mga tauhan ng City Mobile Force Company, CCPO.
Gayundin si Salipada na sakay ng Montero Sport SUV na pinahinto ng mga tauhan ng 1404th Regional Mobile Force Company sa isinagawang COMELEC Checkpoint sa Brgy. Balabaran, Cotabato City ang nakuhanan ng isang (1) yunit ng caliber .45 Colt pistol sa loob ng kanyang sasakyan. Ito ay nabigo rin na magpakita ng CA.
Itinurn-over sa Cotabato CPO ang dalawa at ang mga nakumpiskang baril at bala para sa tamang disposisyon at pagsasampa ng kaukulang kaso.
Pinuri ni PBGen Eden T Ugale, Regional Director, PRO BAR, ang pagsisikap ng mga alagad ng batas sa Cotabato City para sa kanilang mahigpit na pagpapatupad ng COMELEC gun ban. Pinaalalahanan din nito ang publiko na sumunod sa mga direktiba ng Omnibus Election Code upang maiwasan ang abala.
#####
Panulat ni Pat Corpuz, RPCADU BAR
Great work..PNP