Quezon City – Isinagawa ngayong araw ng Biyernes, Hunyo 2, 2023, ang Grand Opening Ceremony ng kauna-unahang DILG BIDA “Buhay Ingatan, Droga Ayawan” Sportsfest sa pangunguna ng Kalihim ng Department of Interior and Local Government (DILG) na si Atty. Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. kasama ang iba’t ibang Undersecretaries ng Kagawaran sa PNP Grandstand, Camp Crame, Quezon City.
Nilahukan din ito ng iba’t ibang DILG-attached agencies sa pangunguna ng kani-kanilang mga pamunuan kung saan pinangunahan nina Police General Benjamin C. Acorda, Jr. ang hanay ng Philippine National Police (PNP); Senior Superintendent Nahum Narba Tarroza ng Bureau of Fire Protection – National Capital Region; at Acting Chief ng Bureau of Jail Management and Penology na si Chief Superintendent Ruel Rivera.
Kabilang pa sa mga ahensyang kabilang dito ang National Youth Commission (NYC), Local Government Academy (LGA), Philippine Commission on Women (PCW), National Police Commission (NAPOLCOM), at Philippine Public Safety College (PPSC).
Ang naturang paligsahan ay isasagawa mula ngayong araw at magtatapos sa Hunyo 16, 2023 na may layuning pagtibayin ang ugnayan ng lahat ng ahensyang magbibigay-buhay sa layunin ng programang BIDA na ilayo ang bawat isang Pilipino sa masamang dulot ng paggamit ng droga.