Davao Region – Nakapagtala ang Police Regional Office 11 ng 183 na lumabag sa Gun Ban simula noong ipagbawal ang pagdadala ng baril at iba pang nakamamatay na armas dahil sa Eleksyon 2022 na nagtapos lamang noong Hunyo 8, 2022.
Mula Enero 9 hanggang Hunyo 8, 2022 ay umabot sa 174 ang narekober o nasamsam na sari-saring baril, 32 improvised na armas, at 710 na bala.
Ang nabanggit ay resulta ng mga sumusunod na operasyon ng PNP: 58 buy-bust operations, isang anti-illegal logging operation, siyam na operasyon laban sa loose firearms, 18 na pagsisilbi ng Search Warrant, dalawang pagsisilbi ng Warrant of Arrest, 54 police responses, 28 checkpoints, at isang Oplan Katok.
Ang Davao City Police Office (DCPO) ang may pinakamaraming operasyon na isinagawa kung saan sa 78 na operasyon ay nagresulta sa pag-aresto sa 85 indibidwal, pagkarekober ng 74 na baril, 14 na iba pang nakamamatay na armas, at 281 na mga bala.
Sumunod sa DCPO ang Davao Norte Police Provincial Office (PPO) na nasa 39, Davao de Oro PPO naman ay 27, habang ang Davao Oriental naman ay 18.
Samantala, ang Davao Sur ay nakapagtala ng anim, ang Occidental PPO ay dalawa, at ang Regional Mobile Force Battalion 11 ay nagsagawa ng isang operasyon.
Naitala ng Davao Region ang matagumpay, maayos, at S.A.F.E. 2022 NLE sa kabila ng pagkakaroon ng mga lumabag sa gun ban.
Samantala, ipinahayag ni PBGen Benjamin Silo, RD, PRO11 ang kanyang pasasalamat sa pagsisikap ng mga miyembro ng PNP, mga kaalyadong puwersang pangkapayapaan, mga Local Government Units, at ang mga mamamayan ng iba’t ibang lugar sa Davao Region na naging daan upang makamtan ang isang mapayapang komunidad lalo na noong panahon ng Eleksyon 2022.
###
Panulat ni Patrolman Alfred Vergara