Labis ang tuwa at ngiti sa mga labi ng mga mag-aaral ng Cataracat Elementary School sa Amulung, Cagayan matapos makatanggap ng maagang pamasko sa pamamagitan ng Project SKUL-CARE.
Nasa 180 mag-aaral ang nakatanggap ng bagong tsinelas at school supplies mula sa Cagayan Provincial Mobile Force Company (PMFC). Bukod pa dito, nagsagawa rin ng feeding program ang mga kapulisan.
Nagpaabot naman ng pasasalamat ang mga magulang sa mga natanggap ng kanilang mga anak. Anila, malaking bagay ito para sa kanila lalo pa’t krisis.
Samantala, kabilang sa mga dumalo sa nasabing programa ay sina PLtCol Lord Wilson Adorio, Force Commander ng Cagayan PMFC; Ms. Charisa Paguila, Principal I; mga guro; at mga opisyal ng barangay.
Ang Project SKUL-CARE (Students Keen Understanding on Localized Community Awareness for a Responsive Environment) ay inisyatibo ng Cagayan PMFC na naglalayong magbigay-tulong at suporta sa mga estudyante. Gayundin, maimulat sa mga kabataan na ang kapulisan ay hindi dapat katakutan bagkus ay kakampi at maasahan sa anumang pangangailangan.