Kalaboso ang aabot sa mahigit isang daang personalidad na pinaghahanap ng batas sa Project Paskulong ng Police Regional Office 10 (PRO 10). Inabangan ng mga awtoridad ang pag-uwi ng mga suspek sa kani-kanilang pamilya nitong nagdaang pasko at bagong taon.
Agad na pinasok ng SWAT ng Iligan City at Regional Special Operations Unit 10 (RSOU 10) ang isang bahay sa Iligan City at nahuli si Robert Aguilar, hinihinalang hitman at isa sa Most Wanted ng Region 10 dahil sa dalawang murder case.
Sa hiwalay na operasyon, tiklo rin si Roldan Partolan na isa ring wanted personality dahil sa kasong murder.
Inabot rin ng anim (6) na taon bago naaresto ang Most Wanted na si Jimmy Platero sa Camiguin dahil sa kasong murder.
Arestado ang tatlo (3) sa ilalim ng “Project Paskulong” na ikinasa ng PNP PRO 10 para mahuli ang mga uuwing priority projects nitong nagdaang pasko at bagong taon.
Ayon sa Regional Director ng PRO 10, PBGen Benjamin Acorda, Jr, “We implemented the Project Paskulong, working on the premise that most of these wanted persons na matagal na nating hinahanap ay would most likely visit their families.”
Umabot sa 166 ang naaresto sa Project Paskulong na karamihan ay murder cases ang hinaharap.
“Since December 1 hanggang matapos ang taon, marami po tayong nahuli sa pakilipagtulungan ng sambayanan at kapulisan,” saad ni PLtCol Vic Cabatingan, RSOU 10.
Nakakulong na ang mga naaresto sa iba’t ibang police stations sa rehiyon.
“Ang importansya ng proyekto na ito ay mabigyan ng hustisya ang nga pamilya ng biktima at magbigay ng babala sa mga gagawa ng masama na sila ay hahabulin ng batas,” dagdag ni PBGen Acorda, Jr.
#####
Panulat ni: NUP Sheena Lyn M Palconite
Great Job PNP thank you po
Mabuhay po kayo mga Mam at Sir