Bilang isang mahalagang hakbang ng Police Regional Office 2 tungo sa layunin ng pamahalaang wakasan ang armadong tunggalian at insurhensiya, limang (5) dating kasapi ng New People’s Army (NPA) at sampung (10) Militia ng Bayan (MB), pawang konektado sa East at West Front ng Komiteng Rehiyon Cagayan Valley (KRCV), ay boluntaryong sumuko sa mga otoridad sa Zone 1, Barangay Pallagao, Baggao, Cagayan nito lamang ika-7 ng Abril 2025.
Kinilala ni Police Brigadier General Antonio P Marallag Jr, Regional Director ng PRO 2, ang mga sumuko na sina alyas “Ka Vic”, isang dating kumander ng NPA; alyas “BJ”, isang dating medical officer ng kilusan; at tatlo pang dating miyembro ng armadong grupo.
Nagbalik-loob din ang sampung kasapi at tagasuporta ng Militia ng Bayan na kinilala sa kanilang mga alyas na “Bong”, “Isidro”, “Sandro”, “Lagring”, “Naz”, “Naneth”, “Penato”, “Ery”, at dalawang iba pa, na pawang mga residente ng iba’t ibang barangay sa Baggao, Cagayan.
Ang pagsuko ay bunga ng magkatuwang na operasyon ng Baggao Police Station, kasama ang Regional Intelligence Unit 2 (RIU2), Provincial Intelligence Team (PIT) ng Cagayan at Isabela, 204th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 2 (RMFB 2), at 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC).

Isinuko rin ng mga dating rebelde at tagasuporta ang anim na piraso ng homemade na armas at ilang bala. Kabilang dito ang dalawang improvised na 12-gauge shotgun, dalawang homemade na 5.56 kalibre na baril, dalawang grenade rifles na may high-explosive bullet trap at walong bala ng 12-gauge shotgun. Ang mga ito ay kusang isinuko bilang bahagi ng kanilang hangaring iwan ang armadong pakikibaka at suportahan ang mga programang pangkapayapaan ng pamahalaan.
Ang pagsuko ay naisakatuparan sa pamamagitan ng patuloy na pakikipag-ugnayan ng kapulisan sa mga komunidad, mga kampanya kontra-terorismo, at mga lokal na inisyatibo sa ilalim ng Executive Order No. 70 at ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ayon kay PBGen Marallag Jr, isang patunay ang pangyayaring ito sa tagumpay ng kabuuang estratehiya ng pamahalaan para labanan ang ugat ng insurhensiya. “Pinupuri natin ang kanilang tapang sa pagpili ng kapayapaan kaysa karahasan. Bukod pa rito, ito ay sumasalamin sa dedikasyon ng ating mga kapulisan at komunidad sa pagsusulong ng pangmatagalang kapayapaan at kaunlaran sa Cagayan Valley.”
Source: PRO2
Panulat ni Pat Rolando T Baydid Jr