Iloilo City – Nasakote ang 11 indibidwal at nakumpiska ang Php408,000 halaga ng ilegal na droga sa inilunsad na buy-bust operation ng kapulisan sa Brgy. Desamparados, Jaro, Iloilo City, noong ika-30 ng Abril 2023.
Isinagawa ang buy-bust operation bandang alas-5:15 ng hapon ng pinagsanib na pwersa ng City Drug Enforcement Unit sa pangunguna ni PCpt Val Cambel, Team Leader at Iloilo City Police Station 3 SDET sa pangunguna ni PCpt Lester Oliveros, Station Commander.
Ayon kay PCpt. Val Cambel, subject ng naturang drug operation ay si Roberto Latoza, 26, High Value Individual at residente ng Barangay San Isidro, Jaro na kung saan nahuli ito sa aktong pagbebenta ng isang pakete ng pinaniniwalaang shabu sa nagpanggap na posuer-buyer.
Ayon pa kay PCpt Cambel, nahuli ang 10 pang mga kasamahan ni Latoza sa aktong paggamit ng shabu sa kanyang mismong nirerentahang tirahan nang i-raid ito.
Kinilala ang mga sampung indibidwal na sina Leopoldo Ubaldo, 34; Angelo Galia, 18; Mark Dela Peña, 20; Elmer Lucot, 39; Asher Sanchez, 19; Felipe Yanco, 36; Armando Diaz, 29; alyas “Nonoy, 16; Carlos Bitonga, 38; at kag. Roel Raymundo, 37.
Dagdag pa ni PCpt Val Cambel, narekober sa operasyon ang 11 pakete ng suspected shabu na may timbang na 60 gramo at may tinatayang halaga na Php408,000, mga drug paraphernalia at mga non-drug items.
Nakakulong ngayon sa himpilan ng Jaro Police Station ang mga naarestong suspek at mahaharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, ang Iloilo City PNP ay hindi titigil sa mga ganitong operasyon at mas papaigtingin pa ang kampanya kontra ilegal na droga at sa lahat ng uri ng kriminalidad upang mapatili ang kaayusan at maunlad na komunidad.