Vinzons, Camarines Norte – Arestado ng Vinzons PNP ang 11 indibidwal matapos maaktuhan na nagsasagawa ng ilegal na pangingisda sa Territorial Seawaters ng Barangay Mangcawayan, Vinzons, Camarines Norte nito lamang Huwebes, Oktubre 20, 2022.
Kinilala ni PMaj Arkhemedes Garcia, Chief of Police ng Vinzons Municipal Police Station, ang mga suspek na sina alyas “Mayong”, 45, may asawa; “Ian”, 36, binata; “Cris”, 35, may asawa; “Jj”, 27, binata; “Jun”, 20, binata; “Manny”, 20 s, binata; “Alden”, 45, may asawa; “Gab”, 44, may asawa; “Jo”, 39, may asawa; “Mar”, 21, binata; at si alyas “Gene”, 44, binata at pawang mga residente ng Barangay San Lorenzo, Sta. Elena, Camarines Norte.
Ayon kay PMaj Garcia, bandang 11:00 ng umaga ng isinagawa ang anti- illegal fishing operation ng mga operatiba ng Vinzons Municipal Police Station at mga miyembro ng Governor’s Special Action Group (GSAG) ng probinsya ng Camarines Norte.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang isang set ng “boya” na humigit kumulang 480 na metrong haba, fish net na may humigit kumulang 300 na metro ang haba, dalawang piraso ng magic ring at isang fishing vessel.
Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 10654 o Philippine Fisheries Code.
Magpapatuloy ang mga operasyon ng Vinzons MPS sa pamumuno ni PMaj Arkhemedes Garcia katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng Camarines Norte upang labanan ang ilegal na pangingisda sa naturang lugar.
Source: Camarines Norte Police Provincial Office – Pulis Bantayog