Pinarangalan ng Zonta Club of Makati-Paseo de Roxas ang Ten Outstanding Policewomen of the Philippines (TOPWP) sa ginanap na seremonya sa Kampo Crame kahapon, Nobyembre 8.
Pinangunahan ni PNP Chief, PGen Guillermo Lorenzo T. Eleazar, kasama si Ms. Eleanor Soriano, Chairperson Emeritus ng TOPWP Zonta Club of Makati-Paseo de Roxas, ang paggawad ng parangal sa mga natatanging policewomen ng PNP.
Kabilang sa mga tumanggap ng parangal ay sina Police Lieutenant Colonel Jhonalyn Tecbobolan, Police Regional Office 2; Police Lieutenant Colonel Janet Arinabo, PRO 4A; Police Lieutenant Colonel Maribel Getigan, PRO7; Police Major Viviene Mae Malibago, Crime Laboratory; Police Captain Sheila Acosta, PRO10; Police Captain Harriet Bulcio, PNP Special Action Force; Police Master Sergeant Aida Awitin, PRO11; Police Staff Sergeant Sharah Talib, PRO11; Police Staff Sergeant Rosemarie Baccay, PRO2; at Police Corporal Ailene Eugenio, PNP Special Action Force.
Layunin ng programa na mabigyan ng pagkilala ang dedikasyon at tapat na serbisyo na ipinamalas ng mga kababaihang pulis sa pagtupad sa kanilang tungkulin.
Magsisilbi rin itong inspirasyon para sa iba pang pulis na paunlarin ang sarili at paghusayin ang kanilang trabaho.
Samantala, dumalo bilang Guest of Honor and Speaker sa naturang seremonya si House of Representatives Hon. Lord Allan Velasco.
Sinasalamin ng TOPWP ang malaking kontribusyon at sakripisyo ng halos 30,000 kababaihang pulis sa buong bansa.
######