Sultan Kudarat — Boluntaryong sumuko ang 10 miyembro ng Communist Terrorist Group sa mga awtoridad sa Lower Gumban, Bai Saripinang, Bagumbayan, Sultan Kudarat nito lamang Disyembre 13, 2023.
Kinilala ni Police Brigadier General Jimili Macaraeg, Regional Director ng Police Regional Office 12, ang mga sumuko na sina alyas “Bitala”, “Amakan”, “Ulayan”, “Rex”, “Amad”, “Atan”, “Langaw”, “Dali”, “Blal”, at si alyas “Lal”, na pawang mga dating miyembro ng Platoon Cherry Mobile Front Guerilla Daguma ng Far South Mindanao Region (FSMR) at pawang mga residente ng Brgy. Midtungok, Senator Ninoy Aquino, Sultan Kudarat.
Pahayag naman ng mga sumuko na marami ang ipinangako sa kanila ng teroristang grupo na hindi natupad. Hanggang sa dumating sa puntong nawalan na sila ng pag-asa dahil sa patuloy na hirap na kanilang dinaranas kung kaya’t mas minabuti nilang magbalik-loob sa pamahalaan at isuko ang kanilang armas na isang yunit ng improvised M203 at isang Cal. 38 revolver.
Naging matagumpay ang pagbabalik-loob ng mga CTGs sa pagsisikap ng 1202nd Maneuver Company, Regional Mobile Force Battalion 12, Bagumbayan Municipal Police Station, at Sultan Kudarat Police Provincial Office.
Patuloy ang panawagan ng PRO 12 sa mga natitira pang miyembro ng CTGs na magbalik-loob sa pamahalaan at magsimulang muli malayo sa karahasan na dala ng maling ideolohiya ng teroristang grupo.
Panulat ni Patrolman Khnerwin Jay A Medelin