Davao del Sur – Naganap ang isang engkwentro sa pagitan ng mga tauhan ng PNP na nakadeploy bilang Quick Reactionary Force (QRF) ng NLE 2022 laban sa humigit kumulang limang armadong sibilyan sa Gymnasium ng Brgy. Litos, Sulop, Davao del Sur nito lamang Biyernes, Mayo 6, 2022.
Ang nasabing engkwentro sa pagitan ng mga tauhan ng isang team ng PNP-SAF na binubuo ng 111 Special Action Command (SAC) at 11 Special Action Battalion (SAB) na pinamumunuan ni PLt Roby Vincent Del Campo, Sulop Municipal Police Station, at 73rd IB laban sa mga nasabing armado na nakasakay sa iba’t ibang motorsiklo ay tumagal ng 20 hanggang 30 minuto.
Patay ang isa sa mga armado na kinilalang si Renil L. Pagalan dahil sa mga identification card na may iba’t ibang address na nakuha mula sa kanya.
Narekober ng Davao Sur Provincial Forensic Unit (DSPFU) sa pinangyarihan ang isang safety pin ng hand grenade, mga fragments ng hand grenade na nakuha mula sa Site of Explosion (SOE), dalawang litro ng gasolina bilang isang molotov improvised bomb, 65 na basyo ng caliber 5.56 mm, 14 na live ammunitions ng caliber .45, walong basyo ng caliber .45, limang basyo ng caliber .9 mm, at isang yunit ng motorsiklo na walang plate number.
Gayundin ang isang pistol ng caliber 45 na may magazine at mga bala, wallet na naglalaman ng apat na ID, 2×2 ID picture, 1×1 ID picture, Certificate of Employment, QR Code, at kulay asul na cellphone na nakuha naman sa namatay na suspek.
Kaagad naman na isinugod sa pinakamalapit na ospital ang dalawang sugatang miyembro ng SAF na sina PCMS Mervin Alapan at Pat Leonardo Lawayan Jr. na nagtamo ng tama sa kanilang mga paa na ngayon ay kasalukuyang ginagamot sa Davao Sur Provincial Hospital.
Samantala, patuloy pa rin ang isinasagawang hot pursuit operation ng Police Regional Office 11 sa ilalim ng direktiba ni PBGen Benjamin Silo Jr, Regional Director upang tugisin ang mga tumakas na suspek.
Kasabay nito ang mas pinaigting naman na pagbabantay ng mga kapulisan ng rehiyon upang mapanatili ang mapayapa at ligtas na pagsasagawa ng NLE 2022.
Panulat ni PCpl Mary Metche A Moraera