Aabot sa higit isa at kalahating kilo ng pinaghihinalaang shabu ang nakumpiska mula sa lalaking suspek sa drug-bust operation na inilunsad ng Dauis PNP sa Purok-6, Barangay Dao, Dauis, Bohol, Huwebes, Pebrero 1, 2024.
Sa pangunguna ni PLt Thomas Zen B Cheung, Hepe ng Dauis Municipal Police Station, nailunsad ang operasyon dakong alas-2:15 ng madaling araw na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek na kinilalang si “Bartolome”, 23, na residente ng Purok 3, Brgy. Bil-isan, Panglao ng naturang probinsya.
Nakumpiska sa pag-iingat ng suspek ang may kabuuang timbang na 1.550 kilo ng ilegal na droga na may Standard Drug Price na Php10,540,000 at ang ginamit na buy-bust money.
Mahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ang matagumpay na operasyon ay bunga ng pinahusay at pinaigting na kampanya ng PNP sa Central Visayas kontra ilegal na droga upang maisulong ang kaayusan at kapayapaan ng komunidad.
Panulat ni Pat Edmersan P Llapitan