Tadian, Mountain Province (January 30, 2022) – Dahil sa maigting na pagsagawa ng information awareness at negosasyon, opisyal na binawi ng 41 miyembro ng Kasigudan Aywanan Takderan Binangun di Kabunian Organization (KATABIKO) ang kanilang suporta sa Communist Terrorist Group (CTG) sa isang seremonya na ginanap sa Brgy. Bunga, Tadian, Mountain Province noong Enero 30, 2022.
Ang seremonya ay pinangunahan ng Mountain Province Police Provincial Office (MPPPO), PROCOR Regional Intelligence Division (RID), Regional Intelligence Unit-14, Local Government Unit ng Tadian, at Philippine Army.
Naging bahagi ng programa ang panunumpa ng katapatan sa gobyerno ng 41 miyembro na sinundan ng kanilang pagbasa sa Resolution na tumututol sa presensya ng CTG at idineklara bilang Persona Non-Grata.
Bilang tugon, hiniling ni Colonel Angel Madarang, Deputy Brigade Commander ng 702nd Brigade ng Philippine Army, ang suporta ng 41 miyembro na wakasan ang 53 taon nang insurhensya ng teroristang grupo upang makamit ang matagal nang pangarap ng isang mas ligtas at mas mapayapang bansa.
Bukod pa rito, nag-alok ng scholarship si Ginoong Felixberto Matute, Provincial Director ng TESDA, na magagamit ng mga miyembrong interesadong mag-enrol sa iba’t ibang kursong ibinibigay ng ahensya.
Samantala, sa kanyang mensahe, pinayuhan ni Police Colonel Ruben Andiso, Provincial Director ng MPPPO, ang 41 miyembro na maging maingat sa pagsali sa mga di-kilalang organisasyon upang maiwasang marecruit ng mga CTG.
Source: PROCOR PIO
####
Panulat ni PSSg Amyl Cacliong